minsan malambot, minsan makunat…

Archive for Setyembre, 2010

Ligaya

Sept. 26, 1995

Naghahapunan kami nila Kuya, ate at bunso habang nanonood naman sila Tatay at Nanay (Lolo at Lola) ng TV nang biglang magtahulan ang mga aso namin. May bisitang dumating.

Galing ng Maynila si Kuya Anjo, pinsan namin sa side ni Papa. Pinapasundo daw kami ni Mama at miss na miss na daw kami. Matapos ang halos isang buwan nila Mama at Papa na magkasama sa Maynila, magkikita-kita na ulit kami.

Kinumusta ni Nanay ang kalagayan ni Mama. Mmaayos naman daw sabi ni Kuya Anjo. Natuwa kami sa narinig naming yun kaya lalo pa naging excited sa pagbyahe kinabukasan. Pero iba nman ang reaksyon ni Nanay, parang malungkot. Naisip ko baka nangungulila lang din sya sa anak nya.

Bi-byahe kami bukas. Kinakabahan ako. Naalala ko pa nung una kaming magbyahe nila Mama at bunso papuntang Maynila para magbakasyon. Palibhasa’s di sanay sa byahe,  halos bumaliktad ang sikmura ko at simutin lahat ng laman sa sobrang pagkahilo. Ipinagbalat ako ni Mama ng dalanghita, piniga-piga nya ang balat para lumabas ang amoy at inilapit sa ilong ko. Malaking tulong yun sa akin nakakabawas sa pagkahilo. Lima hanggang anim na oras na ganun ang tagpo sa bus. Bago pa makarating ng Maynila ay daig ko pa ang lantang gulay. Ganito na naman panigurado bukas, kaso nga lang wala si Mama na magtatalop ng dalanghita. Di bale, magkikita kita naman kami pagkatapos.

Sept. 27, 1995

Mga alas otso kami ng umaga lumuwas. Kaming magkakapatid,  kasama si Nanay at si Kuya Anjo.  Excited ang lahat,si ate nagbaon pa ng nilagang itlog baka daw kami gutumin sa byahe.  Nung una’y ayos pa naman ako. Sight-seeing sa mga bukiring nadadaanan. Pero sa bawat pagpreno ng bus ay sumasabay sapag-ikot ang sikmura ko. Unti-unting umikot ang paningin. Bumigat ang pakiramdam. Walang epekto ang bonamine. At inilabas ko lahat ng kinain. HIndi lang pala ko ang ganun, pati si Nanay, duet kami.

Pasado alas dos na nang makarating kami ng Maynila, at dahil sabik kaming makita si Mama, napagkasunduan na naming dumerecho sa Chinese General Hospital.

Halos isang buwan na din syang naka-confine doon mula nang ilipat sya ng ospital ni Papa mula sa probinsya. Kahit nung nasa ospital pa sya sa probinsya ay di namin sya nadalaw. Bawal daw ang bata sa ospital.

Maliit ang ospital sa probinsya at hindi matukoy ang sakit ni Mama, kung kayat mismong doktor na ang nagsabing mas makakabuti kung madadala si Mama sa Maynila para masuri ng mga espesyalista. Humingi ng tulong si Papa sa Mayor para sa ambulansya, pero sa kasamaang palad ay walang available nung araw na yun. Ayaw nang ipagpaliban pa ni Papa, ang paglipat ng ospital. Kaya minabuti na lang nyang bumili ng folding bed at magrenta ng jeep para madala agad si Mama sa Maynila. Hindi naging maganda ang unang tagpo sa ospital, palibahasa’y naka-tsinelas at nakapambahay lang si Papa,  hindi agad inasikaso. Isipin mo ang anim na oras na byahe at sa jeep pa. Awang-awa ako kay Papa nung kinukwento nya yun.

Narating namin ang ospital katirikan ng araw. Sinita kami ng guard na naka-duty, may kasungitan sya. “Hindi pa oras ng dalaw, alas tres pa.” Wala kaming nagawa kundi maghintay sa lilim ng maliit na puno sa may gilid. Parang countdown naming hinintay bawat segundong lumipas.  Ano ba naman ang ilan pang minutong ipaghihintay kumpara sa pinagdaanan namin sa halos anim na oras na  byahe at ilang linggong di pagkikita.  Ilang saglit na lang, nasa loob lang ng ospital na yun si Mama at hinihinaty kami.

Alas tres impunto, pinapasok naman kami ng wala nang tanong-tanong. Nauna sa paglalakad ang pinsan ko at si kuya, at bago pa man kami makarating sa kwarto papalabas na sila. “Nakauwi na daw sila Mama” salubong ni kuya na nakangite.  Lahat ng pagod, gutom  at kaba biglang nawala napalitan ng pananabik  sa narinig naming yun. Lahat nakangite. Nabuhayan  ng loob. Sabay sabay kaming naglakad papalabas  nang tanungin kami ulit ng guard. Nagtaka siguro na kakapasok lang namin ay palabas na agad.

“Sino bang  hinahanap  nyo?”…  “Si Ligaya S_______ po”…

“Ahhh wala na…  nakaburol na sa Tondo.”

Madaling araw ng araw na yun pumanaw si Mama.


ganito kami noon

Sa probinsya ako ipinanganak at nagkaisip bago kami lumuwas ng Maynila n0ong 12 taon ako. Tuwing buwan ng Mayo, basta bago sumappit ang tag-ulan, nakaugalian namin nila mama kasama ng mga kapatid ko ang pagtatanim ng mga gulay sa likod bahay. Kami nila kuya ang gumagawa ng balag para gapangan ng mga gulay, si mama, ate at bunso ang nagpupunla. May taga-bomba sa poso at tagabuhat ng balde para ipandilig sa mga bagong punla. Madami kaming tanim lagi sa likod bahay, patani, bataw, sitaw (hindi po ung mahahabang sitaw to), sigarilyas, kardis  (ilocano yan, di ko lam sa tagalog e) singkamas (namumunga po ang singkamas), talong na bilog, okra, gabi, sili, syempre di mawawala ang kamote. Kung may bakanteng lote sa probinsya panigurado may nakatanim na kamote.

Green-thumb daw si Mama, madaling makapagpatubo at palago ng halaman. Kung puno ng gulay ang likod bahay, puno nman ng mga halamang ornamental ang harap. Bihira sya magtanim ng namumulaklak. Kadalasan mga malalagong dahon-dahon lang. Bago pumasok sa eskwela, toka toka kaming magkakapatid ng gawain. Trabaho namin ni bunso ang pagdidilig ng mga halaman sa umaga. Si kuya ang taga-igib ng tubig para sa kusina, medyo malayo samen ang poso. Si ate naman ang nagwawalis ng bakuran. Habang si Mama naman naghahanda ng almusal.

Madami din kaming alagang hayop. Aso, baka, manok, baboy. Tipikal na probinsya. Ung baka, hindi kami ang nag-aalaga, pinapapastol un sa iba. Wala kaseng mag-aasikaso. Hati-hati din ang trabaho sa pag-aalga ng mga baboy at manok. Ung manok mga gala lang un walang kulungan, pero kilala namin bawat isa. Ung pinakaninuno ng mga manok namin may pangalan din, Banggangok, un ang tawag ni Mama. Maalaga si Mama sa mga hayop. Natutulog sya sa bakanteng kulungan ng baboy tuwing may bagong panaganak. Nakahiwalay kase ang mga piglets sa inahin. Isa-isa nyang nililipat sa kulungan ng inahin ang mga piglets para sumuso, isa-isa din nya itong ililipat sa kabilang kulungan pagkatapos. Ganun sya katutok sa mga alaga nya. Madalas din maririnig mo syang kinakausap ang mgat ito, pati din pala halaman binubulungan din.Yung aso nman, kung sino ang nakatokang magligpit ng kinainan sya din ang magpapakain. Siguro halos sampo ang aso namin nun. Di ko alam kay Mama kung bat andami. May isa pa nga kaming aso ipinangalan nya sa kanya. Loyal ung aso na yun, mahigpit na bantay. Pareho ni Mama. Strikto.

Meron kaming maliit na parang kubo sa tapat ng bahay sa bandang kusina. Mula sa malalaking sanga ng camachile ang ginawa naming poste at  kawayan naman ang papag. Lumang yero  ang bubong.  Dahil si kuya ang pinakamatanda sa aming magpipinsan, sya ang nagpaalam sa Lolo para sa mga kawayan na puputulin. Tulong-tulong kaming magpipinsan sa pagbuo nun. Natulog kami dun kinagabihan ni kuya kahit walang dingding. Binalot lng namin un ng mga sakong pinagtagpi-tagpi na madalas ginagamit na pansapin kapag nagbibilad ng palay. HIndi pinayagan yung iba nming pinsan na duon din matulog dahil malamig. Kinabukasan nagising na lang ako na nasa kwarto na sa loob ng bahay.  Hindi ko namalayan, lumabas pala si Mama nung madaling araw para silipin kami ni kuya.  Mula pagkabata pala may pagkamantika na ko matulog. Di man lang ako nagising nung binuhat ako ni Mama, namamaluktot na daw kase ko sa ginaw.

Masarap magluto si Mama. Paborito naming magkakapatid ang “inalseman”, ilocano version nya ng sinigang. Parang sinigang kase maasim, nilalagyan ng sampalok pero hindi masabaw, mas madaming gulay kesa sa karne at higit sa lahat, bagoong-isda ang panimpla. Lagi kaming sabay-sabay kung kumain. Bawal piliin  ang gulay kase kung kung hindi, sya mismo ang magsasandok at ilalagay sa plato mo. Number one rule pa naman sa bahay ang bawal tumayo sa hapagkainan hanggat hindi nauubos ang laman ng pinggan. Isa pang ulam na hinahanap-hanap ko ung diningdeng. Sitaw, saluyot, bulaklak ng kalabasa at kung anu-anong pang mga gulay na pinagsama sama. Pinakuluan sa tubig at tinimplahan ng bagoong-isda,  may sahog na inihaw na bangus, at may sawsawang bagoong at kalamansi na may sili. Bihira na ko makakain nito ngayon.

Bago pa matapos  ng Eat Bulaga, pinapatay na ni Mama ang TV.  Oras na para matulog ang mga bata. Kaming dalawa un ni bunso. HIndi ko na mabilang kung ilang beses akong nagtulug-tulugan noon para lang di mapagalitan. Inggit na inggit habang nakikinig sa mga pinsan kong naglalaro sa labas. Di ko na din maalala kung anong iniisip ko para mas mapabilis ang pagtakbo ng oras. Hirap na hirap akong matulog sa tanghali noon, kaya ang ginagawa ni Mama, susuklay-suklayin nya ko, bubunutin ang mga patay na buhok. Ilang minuto lang tulog na ko.

Ganito kami noon.


wansapanataym… naalala mo pa?

Napanood ko sa patalastas sa channel 2 nung nakaraang araw na ibabalik nila ulit ang wansapanataym. bigla akong nabuhay. napangite tapos… wansapanataym… sa aking buhay. Napawi ang lumbay, napuno ng kulaaaayyyyy… hehehe… totoo yan. pramis. Ewan ko pero ang laki ng ngite ko nung napanood ko ung commercial. Di ko maiwasan magbaliktanaw. Ewan ko kung ilang taon ako nun, basta alam ko inaabangan namin yan ng mga kapatid at tatay ko tuwing linggo alas otso ng gabi, gusto kong isipin na un siguro ang family time namin. Ahahahay!

Tapos nagkatinginan kami ni bunso, hirit nya sana  ibalik din nila yung Okatokat! hahaha! Si Rona! (played by Agot Isidro, sila la ng ni Paolo Contis ang naalala ko. hehehe… si Rica pa pala.) Yung horror na palabas tuwing martes ng gabi pagkatapos ng mga teleserye nila. nagkatawanan na lang kami. pati araw at timeslot, naalala namin. duwag ako sa mga katatakutan na palabas, pero ung okatokat? hahaha! talagang inaabangan namin.

Dito na namin inalala pa ung ibang palabas dati na sabay sabay namin pinapanood. ang teleserye nun 2 lang pagkatapos ng balita. ngaun, puro teleserye na. Inisa isa namin alalahanin ni bunso ang mga palabas after ng mga drama series.

Lunes- Palibhasa Lalake! Sinong bestfriend mo duon. nyahahaha! naalala ko pa si Tikboy. Martes ung Okatokat. Tapos Wednesday ung Okidok? e kelan ung Home Along da Riles? Kase pag huwebes Maalala mo kaya e. Tapos ung Byernes ung laging pinapalitan, naging Super Laf-in naging Tagalog movies, alam ko byernes din dati ung tagalized na  go go Power Rangers!.  Hahaha! Ang sarap balikan.

So ngayon, anong araw ang Home along d riles? Nyahahaha! Di ko maalala. Kahit si bunso di din maalala. Ang di ko makakalimutan, masaya naming pinapanood ng sama sama mga yan. Nakakamiss.