minsan malambot, minsan makunat…

KM2: Sya at ang Buwan

Napapadalas ko syang makitang nakadungaw lang sa bintana. Tulala, nakatitig lang. Pabagsak sa bintana ang pagkakasandal,  kita sa postura ang pagkahapo. Mula sa maliliit na mga galaw nya ay kita ang bigat ng dinadala, dinig ang impit na halingling ng pagdurusa.

Buntong-hininga. Sunud-sunod ang paghugot ng malalalim at pagpapakawala nito, halatang pilit inilalabas ang mga dikyang umuubos sa natitira nyang pagkatao. Kuyom ang mga palad dala ng panibugho, ngunit hindi sapat upang maging lakas para makatayo.

Payapa na ang paligid, nakabibinging  alingawngaw ng katahimikan na ang namamayani, ngunit walang nagbabago, nangangalumata na sya ngunit sa akin pa din nakatuon ang malamlam nyang mga titig. Halos matunaw ako sa nakikitang lugaming bumabalot sa kanyang kabuuan, nais kong bumaba’t iparamdam ang aking pagdamay.

Ayokong kainin sya ng kadiliman.

Ang maliliit na pagkilos ay sinabayan pa ng mayat mayang pagdiin ng mga nakatiklop na mga palad. Pinipigilang kumawala ang nararamdaman. Isa pang mahabang buntong-hininga at binasag nya ang katahimikan. Nagsimula sa ungol hanggang sa maging bulong. Kalmado ang tinig ngunit walang buhay.

Naroon sya sa kanyang sulok, pilit ginagawang peklat ang sariwang sugat.

——————————————
Nag-iisa ako ngayon sa gitna ng sitwasyong sya ang maygawa. Naiwan akong mag-isang harapin ang mga multong sya ang lumikha. Mas pinili nyang  tumakbo sa karuwagan nang matuklasan ko ang yungib nyang puno ng nakagigimbal na nilalang. Mga manananggal na syang pumapapak sa akin ngayon. Ako at ako lang sa digmaang sya ang sa aki’y nagdala.

Nababalot ako ng poot. Hinayaan nya kong lamunin ng galit. Wala syang ginawa upang mabawasan ang sakit. Ngunit sa kabila nito, heto pa rin ako’t naghihintay, umaasa sa kalinga nya na sa aki’y magpapapanatag.
——————————————

Tulad nya’y isang paslit na nadapa’t nasugatan. Mahina. Naghihintay ng taong makikinig at hahaplos sa kanyang buhok upang mawala ang takot. Isang hele na magpapahimbing sa galit sa kanyang puso…

Sanay maging sapat ang munti kong kinang hanggang sa marating nya ang dulo ng madilim na kinaroroonan. Sa dulo ay isang banal na bukal na papawi sa pagkahapo, magpapahupa sa naghuhumulagpos na galit at muling magbibigay ng panibagong buhay sa pusong nagkulay kuyukot sa paghihingalo…

Gaya ng mga nakaraang gabi, bago pa tuluyang maglaho ang liwanag ko, muli nyang sinambit: “salamat buwan sa muling pagdamay…” kasabay nun ang pagbukas ng kaninay nakakuyom na mga palad at maluwalhating pag-agos ng kaninay kristal sa kanyang mga mata.

Aking adhika, sa muling pagsilay ng maharlikang liwanag ay masaksihan ko naman ang dating mala-pulot pukyutan at  maaliwalas na mga mata.

*** Nais iparating ng may-akda ang pasasalamat sa Diwatang Aninipot para sa larawang “dear moon”.

Advertisements

30 responses

  1. Insert Bruno Mars’ Talking to the Moon as official soundtrack….

    Hunyo 8, 2011 sa 12:48 hapon

    • Next track>>>>

      Send Me The Moon by Sara Bareilles

      😀

      Hunyo 9, 2011 sa 6:36 hapon

  2. dun ako sa may tatlong *** ayieeeeeeeeeeeeeee!

    parang yung Dear John lang.

    Ang galing Kuya Davin.
    God bless sa patimpalak!

    Hunyo 8, 2011 sa 1:23 hapon

  3. Nalumbay ang aking damdamin kasunod naman nito’y pag-asang umusbong na sana nga’y daumating ang araw na yaon para sa kanya.

    Hunyo 8, 2011 sa 1:30 hapon

  4. minsan may mga emosyon na mas madaling ilabas sa pamamagitan ng pagtatapon nito sa hangin o kaya ipadala sa buwan, ipaanod sa dagat.. kase wala silang laban, tatanggapin lang ano ang gusto mong ibigay. pero mas masarap parin sa pakiramdam na ang nilalabasan mo ng kaguluhan ay yong taong pinagkakatiwalaan.

    except syempre if kayang sumagot ng buwan sa pakikipag-usap mo, pag ganun, sabihan mo ako ha! matagal ko naring gustong makipag-usap sa buwan..hehehe

    may hiwaga ang bawat pangungusap ng tao, di man kayang intindihin ng lahat may di nakikitang kamay na nagpapagalaw nito 🙂

    Hunyo 8, 2011 sa 4:17 hapon

  5. Madalas yung mga bagay na hindi sumasagot o yung madaling sabihan ng lihim ang ating kinakausap. Pakiramdam kasi natin sila yung nakikinig at mas nasasabi natin kung ano ba talaga yung nasa ating puso.

    kaisa ako ng buwan sa kanyang hiling… sana nga sa muli niyang pagdungaw ngiti na nang isang anghel ang kanyang masilayan 🙂

    Hunyo 8, 2011 sa 6:28 hapon

  6. haraya sa buwan naman at sa pag-iisa ang ‘take’ mo, tol beef.

    napapahanga talaga ako sa paligsahan nijkul. mabuhay!

    Hunyo 8, 2011 sa 7:20 hapon

  7. hello, tapa.

    yeah, let’s blame it on the moon. ‘yang malamlam na bwan ang laging saksi sa saya at hinagpis, ahaha! ang galing galing ng entry mo! good luck!

    as usual, kahanga-hanga ang drowing ni anini … 🙂

    Hunyo 8, 2011 sa 11:13 hapon

  8. haiz nalunod ako sa tagalog.. bravo 🙂
    naqpadagdag s gnda ung drwing ni ani at ung background ng blog mo, ganda n bagong bahay tapa ha.. 🙂 goodluck…

    Hunyo 9, 2011 sa 6:22 umaga

  9. nakalulungkot, ngunit sa kabila nito’y may bagong pag asa… napakaganda ng iyong akda…

    Hunyo 10, 2011 sa 6:22 umaga

  10. napakamakata mo pala talaga beef! idol! lels

    at ang coffee painting!

    Hunyo 10, 2011 sa 9:02 umaga

  11. wala ako masabi. pero sa kalaliman ng pagkakabuo nitong post ay parang kalaliman din ng gabing buwan lang ang bukod tanging makikita mong may taglay na liwanag…

    nice post, tapa…

    Hunyo 10, 2011 sa 11:53 umaga

  12. Maraming salamat po sa pakikilahok sa Kamalayang Malaya 2.

    Ito po ay Kalahok Bilang 8.

    8 KM2: SYA AT ANG BUWAN
    Beeftapa Maynila

    Hunyo 10, 2011 sa 1:36 hapon

  13. pabloquaderno

    Ayos ang pakakasalansan. Maganda ang ibigsabihin. Medyo sumobra lang ng salita. Ngunit magkagayon man, mahusay pa rin talaga. 😀

    Hunyo 10, 2011 sa 4:03 hapon

  14. nakalulungkot, ngunit sa kabila nito’y may bagong pag asa… napakaganda ng iyong akda…

    Hunyo 10, 2011 sa 7:52 hapon

  15. mhusay ang pagkakahabi… may kalungkutan:(

    Hunyo 10, 2011 sa 7:53 hapon

  16. pabili nga po isang order!!! hihih! nice! bago dito…at nakiiyak agad….huhuhu…napapakanta tuloy ako sa kanta ni bruno mars…fly me to the moooooonnn….

    Hunyo 10, 2011 sa 11:46 hapon

  17. Ayos…grabe, after ko siguro mabasa lahat ng kalahok, may cancer na ako sa utak.

    Hunyo 12, 2011 sa 1:32 umaga

  18. lipadlaya

    ito ang akdang hugot sa buwan ang inspirasyon…. nakakatuwa.. napakamakata…

    hindi ko alam kung bakit, pero kung titingin ako sa buwan,, parating unang pumapasok sa isip ko ay Pag-ibig.. hehehe.. ako na ang cheesy…

    Hunyo 12, 2011 sa 2:09 umaga

  19. Napakape habang binabasa ko to. mahusay.

    Nagbasa at nagbigay ng marka.

    congrats at goodluck.

    kamusta?

    Hunyo 12, 2011 sa 1:21 hapon

  20. Dear Moon,

    masyado kang maemo jan paparating na ko wag kana malungkot makakapagpahinga ka na din…

    nagmamahal,
    Araw

    Hunyo 12, 2011 sa 5:56 hapon

  21. …sa gitna ng kadiliman at katahimikan hindi ka mag-isa, hindi man abot ng liwanag niya ang lahat ng sulok pero sapat na para masilip ang pag-asa…

    Hunyo 13, 2011 sa 5:51 hapon

  22. magaling.

    Hunyo 14, 2011 sa 2:08 umaga

  23. gnehpalle02

    nalungkot naman ako, sana sapat na ang liwanag ng buwan upang hindi sya manatili sa dilim.
    ang galing talaga ng lahat ng mga kalahok. Goodluck sau ginoong davin.

    Bumalik lamang upang mag-iwan ng puna. Salamat

    -XoXo

    Hunyo 18, 2011 sa 3:56 hapon

  24. 8. Sa ma-romantikong tagpo sa panulat, sa drama o sa ating pagmumuni-muni, laging naisisingit o napapalitaw ang kahalagahan ng buwan. Hindi ko masigurado kung dahil sa malamlam niyang liwanag o walang init na nararamdaman ang ating balat hindi kagaya ng araw na pwedeng magdulot ng sakit.Kung sa tao, tila sinisimbolo nito an gating mga ina o ang babae sa buhay natin. Nagliliwanag sa kagandahan subalit mapanglaw kapag nawala o nagtago.Sa iyong akda, ipinamalas mo ang pag-asa, ipinadama mo ang iyong kalungkutan, ipinabatid mo ang mga balakid pero sa bandang huli, ‘yong pag-asa pa rin ang namamayani sa buhay natin. Muli ako’y nagpapasalamat sa iyong pakikilahok sa KM2: Daloy Diwa.

    Hunyo 20, 2011 sa 3:31 hapon

  25. myfilthyroom

    ang ganda neto ah.. haha.. kahit hnd q sya na-get nung unang basa ko.. lol..

    Hunyo 27, 2011 sa 11:29 umaga

  26. davin, sorry, medyo hindi ako gaanung nakakadalaw dito .. medyo busy.. pero natuwa ako dito sa post na to .. 😀 hehehe… collaboration pala to ninyo ni aninipot.. 😀 nice!!!

    Hulyo 31, 2011 sa 8:25 umaga

  27. mamen, kamusta? bat di ka na nagsusulat? mukhang sobrang busy ah…

    Setyembre 13, 2011 sa 9:10 hapon

  28. CNA

    The moon. One of my favorite items in the sky. Nice post beeftapa.. 🙂

    Nobyembre 29, 2011 sa 1:40 hapon

  29. napaka gandang paglalarawan naman yun..tugmang tugma sa larawan.. lahat tayo dumadaan sa panahon na gusto natin mapagisa.. yung senti ba? tapos tingijn tingin sa langit… at umaasa sa mga bagay na gusto nating mangyari… kaya damang dama ko ang mga salita…

    Disyembre 14, 2011 sa 12:22 umaga

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Baguhin )

Connecting to %s