minsan malambot, minsan makunat…

Pinakahuli / Pinakabago

makunat na ang tapa… isang taon na!

A:  Uy, mag-iisang taon na pala blog mo! Anong balak mo? Manghihingi ka ba ng pic greeting?Coffee painting na lng    saken. Hahaha!
B:  Toink! Hindi ako manghihingi. Sige, gawan mo ko ng coffe painting. Yung gravatar ko ha. Ahahaha! Tignan naten. Hehehe…

at tinotoo nga po nya…

Ang totoo nyan, yung coffee painting talaga ang original, ginaya ko lang ang pose 😀

Isang taon na nga mula nang gumawa ako ng account ko sa dito sa wordpress. Target ko nung umpisa at least isang post kada Linggo. Natupad ko un nung mga unang buwan ng pagbblog. Sa pagiging active ko sa bloggging noon, madami akong nakilala. Naging mga kakulitan sa ym at idinagdag sa FB. May mga nakilala ng personal at naging kaibigan.

Sa grupo ng mga bloggers na nakasama ko sa inuman nang sinabit ako ng “pinsan” kong blogger (lima sila kaya medyo napipi ako nun at humihingi ako ng paumanhin kung di ako nagpakilala  agad ng maayos), sa nanong bantay ni Lapu-lapu, sa mga nakasama kong kumain ng alimango’t tempura sa seaside nung birthday ko— si pinsang blogger slash legal adviser na hindi pa din nabibigay ang librong pa-birthday daw nya, sa ate-atehan kong hindi ako pinasalubungan ng camel na walang goiter sa batok (sya din ang taga-bura ng mga mukha sa tuwing magpopost ako ng mga pics), si mojacko na nagpa-pizza nung birthday nya at laging ipinamamalita na payat na sya, at sa butiking kuripot na malakas palang kumain at magaling sa photoshop— sa diwatang madaldal na hindi nagpapatalo na sinamahan akong mamili ng pastel, durian, marang at magosteen na pasalubong at sa mga kwento nyang halos buntong-hininga lang ang pagitan. Maraming maraming salamat.

Hindi ko man napangatawanan ang regular na pag-uupdate ng blog, regular pa din akong bumibisita sa mga bahay ninyo. Nagsimula ako bilang blog-reader/hopper, kaya siguro mas madalas pa akong pakalat-kalat sa bahay ng iba kesa gumawa ng sariling post ( o excuse lang daw sa katamaran ko gaya ng ibinibintang saken ng diwatang gala? ahahaha! ) Basta sa lahat ng mga nakasalamuha ko  at sa mga mapapadaan pa sa blog-hay na to maraming-maraming salamat, ganun din sa mga inaakyat-bahay ko nang di nila nalalaman. Salamat sa inspirasyong hatid ninyo sa akin. Hindi ko na kayo mababanggit isa-isa, itatag ko na lang sa fb. 🙂

Madami pa sana kong gustong makilala sa personal na blogger kaso likas na yata saken ang pagiging ilag sa mga bagong kakilala…  Panawagan pala sa mga uuwi dyan ngayong taon, pasalubungan nyo ko at siguradong kahit sa airport pa lang ay pupuntahan ko na agad kayo. hehehe…

*** Espesyal na pasasalamat sa gumawa ng coffee painting version ng gravatar ko. Galing-galing naman.  Salamat 🙂

Unang Akyat (Mt. Makulot)

Last Saturday, sa wakas ay natuloy din pangarap kong totoong pamumundok. Hindi ko nga lang inasahan na ganun pala kahirap dahil ang sabi nung kasama naming hiker ay pang-beginners.
Inakyat namin kasama ng ilang kaibigan, bagong kaibigan at isang hiker ang Mt. Makulot sa bayan ng Cuenca, Batangas. Nagsimula ang akyat-proper mga alas otso ng gabi at wala pang sampung minuto ay nakakarinig na ko sa mga kasama namin na nagtatanong kung malayo pa. Napapangite na lang ako. Makaraan ang ilan pang minuto ay isa na ko sa nagtatanong kung malayo pa ba. Pakiramdam ko kase ay halos isang oras na kaming naglalakad paakyat ng bundok yun pala kinse minutos pa lang daw! Huminto saglit ang guide. Ang akala ko ay para hintayin yung mga nahuhuli sa paglalakad. Hindi pala, san dali lang daw at may tumatawid na ahas! Akalain mong di pa kami lubusang nakakapasok sa talagang masukal na gubat ay may check point na agad. Ambagal nyang tumawid pramis. Nagmamadali kaming maglakad nung makalagpas sa trail yung ahas. Mula nung sandaling yun ay mas naging alerto ako. Ginamit ko na ang sarili kong flashlight para liwanagan lahat ng hahakbangan ko na nung umpisa’y inaasa ko lang sa flashlight ng kasama ko.

Ilang falls at bundok na din ang napuntahan ko at isa ko sa mga nauunang maglakad. Pero ngayon pa lang yung totoong mountain climbing. May trail naman kaya hindi ka mahihirapang sundan ang guide kahit pa napakabilis nya. Bago pa kami umabot sa first stop over ay ramdam ko na ang pagod. Backpack na puno ng damit at pagkain at may nakasabit pang  isang litro ng tubig, Flashlight at apat na litrong tubig sa kanan, at tent nman sa kaliwa.  Ang laking pagkakamali ko na isang 4L na tubig ang binili ko para sa amin ni gf.  Mas maiging tig-iisang litro or 1.5 litrto na lang sana para naisiksik sa mga bag namin. Ang hirap umakyat ng paa lang ang ginagamit at pang-balanse lang ang kamay imbes na pang hatak sana sa katawan. Halos mabasag na yung dala kong galon ng tubig kakahampas tuwing aakyat sa matarik na trail. Ganun din yung tent, halos mapunit na yung case. Umabot naman sa lagpas kalahati bago ako tuluyang sumuko sa mga bitbit ko. Nakiusap ako sa isa kong kasama na sa kanya muna yung tent.Kahit ilang stop over kami at ilang minuto din ang mga pahinga, halos sumuko din ang mga binti ko. Hindi ko na halos maihakbang, parang naninigas na at hindi ko makontrol paangat. Yun ang unang pagkakataon na narasan ko yun. Akala ko hindi ko na kakayanin pang umakyat ng mas mataas at matarik pa. Habang tumataas kami ng tumataas ay patarik ng patarik ang daan at wala na ang mga batong pwedeng pakunan ng bwelo, puro lupa na lang kaya mas matinding kapit at pwersa sa binti at paa.

Nang malapit na kami sa tuktok at huling stop over na para magpahinga, tanaw na tanaw na ang bayan at mga syudad sa Batangas, parang christmas lights! Kaya mas nagkaron ng lakas para sa huling leg ng akyat. Pinauna na ko ng guide sa pag akyat sa natitirang ilang metro pero mas matarik pa. Dalawang beses akong nadulas at dumausdus  pababa. Walang makapitan dahil puro talahib na lang ang nandun at mamasa masang lupa. Natakot kaming lahat dahil nasa mataas na bahagi na kami, kaya nagpasya silang umikot sa kabila para i-check kung mas ok ang daan sa kabila. Mas malayo at mas matalahhib perro mas ok ang daan dun. Habang ako naman ay pinilit na lang umakyat dahil mas mahirap bumababa sa kinalalagyan ko nun.

Nakarating kami sa tuktok mga pass 10Pm na, naliligo sa sariling pawis, madungis at puro putik.  Nag-set up agad ng tent para makapagbihis at makapagpahinga sandali bago magluto ng hapunan. Pagkatapos kumain ay konting inuman at bonding pa kasama ng barkada at mga bagong kaibigan hanggang ala-una ng madaling araw at kinabukasan na kami nakapaglibot.

Nakakapagod at nakakatakot na pag-akyat pero eto ang mga tanawin mula sa tuktok ng Mt. Makulot at katabi nitong bundok na kung tawagin ay Rockies.

Sunrise in Mt. Makulot (Medyo makulimlim...)

Mt. Makulot Summit

To Rockies from Camp Site

Rock Climbing in Rockies

 

On Top of Rockies

Aerial shot? Parang Turtle yung Island 😀

Kunwari di ako natatakot...

Ligaya

Sept. 26, 1995

Naghahapunan kami nila Kuya, ate at bunso habang nanonood naman sila Tatay at Nanay (Lolo at Lola) ng TV nang biglang magtahulan ang mga aso namin. May bisitang dumating.

Galing ng Maynila si Kuya Anjo, pinsan namin sa side ni Papa. Pinapasundo daw kami ni Mama at miss na miss na daw kami. Matapos ang halos isang buwan nila Mama at Papa na magkasama sa Maynila, magkikita-kita na ulit kami.

Kinumusta ni Nanay ang kalagayan ni Mama. Mmaayos naman daw sabi ni Kuya Anjo. Natuwa kami sa narinig naming yun kaya lalo pa naging excited sa pagbyahe kinabukasan. Pero iba nman ang reaksyon ni Nanay, parang malungkot. Naisip ko baka nangungulila lang din sya sa anak nya.

Bi-byahe kami bukas. Kinakabahan ako. Naalala ko pa nung una kaming magbyahe nila Mama at bunso papuntang Maynila para magbakasyon. Palibhasa’s di sanay sa byahe,  halos bumaliktad ang sikmura ko at simutin lahat ng laman sa sobrang pagkahilo. Ipinagbalat ako ni Mama ng dalanghita, piniga-piga nya ang balat para lumabas ang amoy at inilapit sa ilong ko. Malaking tulong yun sa akin nakakabawas sa pagkahilo. Lima hanggang anim na oras na ganun ang tagpo sa bus. Bago pa makarating ng Maynila ay daig ko pa ang lantang gulay. Ganito na naman panigurado bukas, kaso nga lang wala si Mama na magtatalop ng dalanghita. Di bale, magkikita kita naman kami pagkatapos.

Sept. 27, 1995

Mga alas otso kami ng umaga lumuwas. Kaming magkakapatid,  kasama si Nanay at si Kuya Anjo.  Excited ang lahat,si ate nagbaon pa ng nilagang itlog baka daw kami gutumin sa byahe.  Nung una’y ayos pa naman ako. Sight-seeing sa mga bukiring nadadaanan. Pero sa bawat pagpreno ng bus ay sumasabay sapag-ikot ang sikmura ko. Unti-unting umikot ang paningin. Bumigat ang pakiramdam. Walang epekto ang bonamine. At inilabas ko lahat ng kinain. HIndi lang pala ko ang ganun, pati si Nanay, duet kami.

Pasado alas dos na nang makarating kami ng Maynila, at dahil sabik kaming makita si Mama, napagkasunduan na naming dumerecho sa Chinese General Hospital.

Halos isang buwan na din syang naka-confine doon mula nang ilipat sya ng ospital ni Papa mula sa probinsya. Kahit nung nasa ospital pa sya sa probinsya ay di namin sya nadalaw. Bawal daw ang bata sa ospital.

Maliit ang ospital sa probinsya at hindi matukoy ang sakit ni Mama, kung kayat mismong doktor na ang nagsabing mas makakabuti kung madadala si Mama sa Maynila para masuri ng mga espesyalista. Humingi ng tulong si Papa sa Mayor para sa ambulansya, pero sa kasamaang palad ay walang available nung araw na yun. Ayaw nang ipagpaliban pa ni Papa, ang paglipat ng ospital. Kaya minabuti na lang nyang bumili ng folding bed at magrenta ng jeep para madala agad si Mama sa Maynila. Hindi naging maganda ang unang tagpo sa ospital, palibahasa’y naka-tsinelas at nakapambahay lang si Papa,  hindi agad inasikaso. Isipin mo ang anim na oras na byahe at sa jeep pa. Awang-awa ako kay Papa nung kinukwento nya yun.

Narating namin ang ospital katirikan ng araw. Sinita kami ng guard na naka-duty, may kasungitan sya. “Hindi pa oras ng dalaw, alas tres pa.” Wala kaming nagawa kundi maghintay sa lilim ng maliit na puno sa may gilid. Parang countdown naming hinintay bawat segundong lumipas.  Ano ba naman ang ilan pang minutong ipaghihintay kumpara sa pinagdaanan namin sa halos anim na oras na  byahe at ilang linggong di pagkikita.  Ilang saglit na lang, nasa loob lang ng ospital na yun si Mama at hinihinaty kami.

Alas tres impunto, pinapasok naman kami ng wala nang tanong-tanong. Nauna sa paglalakad ang pinsan ko at si kuya, at bago pa man kami makarating sa kwarto papalabas na sila. “Nakauwi na daw sila Mama” salubong ni kuya na nakangite.  Lahat ng pagod, gutom  at kaba biglang nawala napalitan ng pananabik  sa narinig naming yun. Lahat nakangite. Nabuhayan  ng loob. Sabay sabay kaming naglakad papalabas  nang tanungin kami ulit ng guard. Nagtaka siguro na kakapasok lang namin ay palabas na agad.

“Sino bang  hinahanap  nyo?”…  “Si Ligaya S_______ po”…

“Ahhh wala na…  nakaburol na sa Tondo.”

Madaling araw ng araw na yun pumanaw si Mama.

ganito kami noon

Sa probinsya ako ipinanganak at nagkaisip bago kami lumuwas ng Maynila n0ong 12 taon ako. Tuwing buwan ng Mayo, basta bago sumappit ang tag-ulan, nakaugalian namin nila mama kasama ng mga kapatid ko ang pagtatanim ng mga gulay sa likod bahay. Kami nila kuya ang gumagawa ng balag para gapangan ng mga gulay, si mama, ate at bunso ang nagpupunla. May taga-bomba sa poso at tagabuhat ng balde para ipandilig sa mga bagong punla. Madami kaming tanim lagi sa likod bahay, patani, bataw, sitaw (hindi po ung mahahabang sitaw to), sigarilyas, kardis  (ilocano yan, di ko lam sa tagalog e) singkamas (namumunga po ang singkamas), talong na bilog, okra, gabi, sili, syempre di mawawala ang kamote. Kung may bakanteng lote sa probinsya panigurado may nakatanim na kamote.

Green-thumb daw si Mama, madaling makapagpatubo at palago ng halaman. Kung puno ng gulay ang likod bahay, puno nman ng mga halamang ornamental ang harap. Bihira sya magtanim ng namumulaklak. Kadalasan mga malalagong dahon-dahon lang. Bago pumasok sa eskwela, toka toka kaming magkakapatid ng gawain. Trabaho namin ni bunso ang pagdidilig ng mga halaman sa umaga. Si kuya ang taga-igib ng tubig para sa kusina, medyo malayo samen ang poso. Si ate naman ang nagwawalis ng bakuran. Habang si Mama naman naghahanda ng almusal.

Madami din kaming alagang hayop. Aso, baka, manok, baboy. Tipikal na probinsya. Ung baka, hindi kami ang nag-aalaga, pinapapastol un sa iba. Wala kaseng mag-aasikaso. Hati-hati din ang trabaho sa pag-aalga ng mga baboy at manok. Ung manok mga gala lang un walang kulungan, pero kilala namin bawat isa. Ung pinakaninuno ng mga manok namin may pangalan din, Banggangok, un ang tawag ni Mama. Maalaga si Mama sa mga hayop. Natutulog sya sa bakanteng kulungan ng baboy tuwing may bagong panaganak. Nakahiwalay kase ang mga piglets sa inahin. Isa-isa nyang nililipat sa kulungan ng inahin ang mga piglets para sumuso, isa-isa din nya itong ililipat sa kabilang kulungan pagkatapos. Ganun sya katutok sa mga alaga nya. Madalas din maririnig mo syang kinakausap ang mgat ito, pati din pala halaman binubulungan din.Yung aso nman, kung sino ang nakatokang magligpit ng kinainan sya din ang magpapakain. Siguro halos sampo ang aso namin nun. Di ko alam kay Mama kung bat andami. May isa pa nga kaming aso ipinangalan nya sa kanya. Loyal ung aso na yun, mahigpit na bantay. Pareho ni Mama. Strikto.

Meron kaming maliit na parang kubo sa tapat ng bahay sa bandang kusina. Mula sa malalaking sanga ng camachile ang ginawa naming poste at  kawayan naman ang papag. Lumang yero  ang bubong.  Dahil si kuya ang pinakamatanda sa aming magpipinsan, sya ang nagpaalam sa Lolo para sa mga kawayan na puputulin. Tulong-tulong kaming magpipinsan sa pagbuo nun. Natulog kami dun kinagabihan ni kuya kahit walang dingding. Binalot lng namin un ng mga sakong pinagtagpi-tagpi na madalas ginagamit na pansapin kapag nagbibilad ng palay. HIndi pinayagan yung iba nming pinsan na duon din matulog dahil malamig. Kinabukasan nagising na lang ako na nasa kwarto na sa loob ng bahay.  Hindi ko namalayan, lumabas pala si Mama nung madaling araw para silipin kami ni kuya.  Mula pagkabata pala may pagkamantika na ko matulog. Di man lang ako nagising nung binuhat ako ni Mama, namamaluktot na daw kase ko sa ginaw.

Masarap magluto si Mama. Paborito naming magkakapatid ang “inalseman”, ilocano version nya ng sinigang. Parang sinigang kase maasim, nilalagyan ng sampalok pero hindi masabaw, mas madaming gulay kesa sa karne at higit sa lahat, bagoong-isda ang panimpla. Lagi kaming sabay-sabay kung kumain. Bawal piliin  ang gulay kase kung kung hindi, sya mismo ang magsasandok at ilalagay sa plato mo. Number one rule pa naman sa bahay ang bawal tumayo sa hapagkainan hanggat hindi nauubos ang laman ng pinggan. Isa pang ulam na hinahanap-hanap ko ung diningdeng. Sitaw, saluyot, bulaklak ng kalabasa at kung anu-anong pang mga gulay na pinagsama sama. Pinakuluan sa tubig at tinimplahan ng bagoong-isda,  may sahog na inihaw na bangus, at may sawsawang bagoong at kalamansi na may sili. Bihira na ko makakain nito ngayon.

Bago pa matapos  ng Eat Bulaga, pinapatay na ni Mama ang TV.  Oras na para matulog ang mga bata. Kaming dalawa un ni bunso. HIndi ko na mabilang kung ilang beses akong nagtulug-tulugan noon para lang di mapagalitan. Inggit na inggit habang nakikinig sa mga pinsan kong naglalaro sa labas. Di ko na din maalala kung anong iniisip ko para mas mapabilis ang pagtakbo ng oras. Hirap na hirap akong matulog sa tanghali noon, kaya ang ginagawa ni Mama, susuklay-suklayin nya ko, bubunutin ang mga patay na buhok. Ilang minuto lang tulog na ko.

Ganito kami noon.

wansapanataym… naalala mo pa?

Napanood ko sa patalastas sa channel 2 nung nakaraang araw na ibabalik nila ulit ang wansapanataym. bigla akong nabuhay. napangite tapos… wansapanataym… sa aking buhay. Napawi ang lumbay, napuno ng kulaaaayyyyy… hehehe… totoo yan. pramis. Ewan ko pero ang laki ng ngite ko nung napanood ko ung commercial. Di ko maiwasan magbaliktanaw. Ewan ko kung ilang taon ako nun, basta alam ko inaabangan namin yan ng mga kapatid at tatay ko tuwing linggo alas otso ng gabi, gusto kong isipin na un siguro ang family time namin. Ahahahay!

Tapos nagkatinginan kami ni bunso, hirit nya sana  ibalik din nila yung Okatokat! hahaha! Si Rona! (played by Agot Isidro, sila la ng ni Paolo Contis ang naalala ko. hehehe… si Rica pa pala.) Yung horror na palabas tuwing martes ng gabi pagkatapos ng mga teleserye nila. nagkatawanan na lang kami. pati araw at timeslot, naalala namin. duwag ako sa mga katatakutan na palabas, pero ung okatokat? hahaha! talagang inaabangan namin.

Dito na namin inalala pa ung ibang palabas dati na sabay sabay namin pinapanood. ang teleserye nun 2 lang pagkatapos ng balita. ngaun, puro teleserye na. Inisa isa namin alalahanin ni bunso ang mga palabas after ng mga drama series.

Lunes- Palibhasa Lalake! Sinong bestfriend mo duon. nyahahaha! naalala ko pa si Tikboy. Martes ung Okatokat. Tapos Wednesday ung Okidok? e kelan ung Home Along da Riles? Kase pag huwebes Maalala mo kaya e. Tapos ung Byernes ung laging pinapalitan, naging Super Laf-in naging Tagalog movies, alam ko byernes din dati ung tagalized na  go go Power Rangers!.  Hahaha! Ang sarap balikan.

So ngayon, anong araw ang Home along d riles? Nyahahaha! Di ko maalala. Kahit si bunso di din maalala. Ang di ko makakalimutan, masaya naming pinapanood ng sama sama mga yan. Nakakamiss.

sinigang

“mahal kita…”
“mas mahal kita…”

sana ganun lagi. ang simple sana di ba? mas masaya ang buhay. kaso hindi. ang turo samen nun sa com1, communication has three major components, transmitter, receiver at ang noise. Taeng noise yan, panira kahit kelan. ang relasyon laging 3in1, ikaw, sya, at ang mga pagsubok. bakit? kase wala tayo sa ideal world, walang ideal situation.  sa fairytale nga may kontrabida e. hindi mapipigilan ang external forces na makigulo sa buhay ninyo. wala kayo sa vacuum para isipin mong walang ibang matter at dalawa lang kayong nag-eexist. pansamantala, marahil mabubulag kayo at pilit na di papansinin ang paligid. gagawa ng mundo kung saan walang panget na eksena (wholesome yan), puro  beach, damuhan,  bughaw na langit, buwan, mga bituin, beach pa ulit isama sa eksena ang kayak, isa pang damuhan loacation this time sa tuktok ng burol. masarap mangarap, maupo sa dalampasigan at tanawin ang papalubog na araw  o kaya nakahiga sa duyan kayakap ang babaeng pinakamamahal.  kung pwede sana laging ganun, kaso hindi puro pantasya ang buhay. minsan nagba-brown out din. hindi laging summer para magtampisaw sa dagat. ang napakagandang beach nga may mga sea urchins eh.  ang luntiang burol nagiging brown. ang aquarium nadudumihan din… at ang ulam napapanis pag kinamay. hehe…  mararanasan mong masaktan. makasakit ng di sadya. ang importante marunong bumawi. mag-sorry at gumawa ng paraan para makabawi. kung brownout, ihanda ang kandila at pamaypay.  magluto ng panibagong ulam at sa susunod wag nang kamayin.  magtampisaw sa dagat khit maulan, hindi mo kaylangang laging sumilong, masarap maglaro sa ulan nang may kasama, may kalamansi juice nman kapag sinipon.  kung wala kang balak ayusin at hahayaan mo  na lang ang problema, iwanan na lang ng tuluyan kesa naman nakabitin ang isa, naghihintay sa wala. umaasa at nasasaktan. lagyan ng tuldok, di man maging maayos sa simula at least makapag umpisa nang tanggapin ang lahat. pero bago pala yan, bumalik sa basic na tanong, mahal mo pa? kung oo, engot ka pag hinayaan mo ng ganun ganun lang. subukan mong balikan ang matatamis na tagpo ng inyong buhay, baka sakaling mabura nun ang hapdi ng ngayon at bumalik sa kung paano kayo nag-umpisa.

“mahal kita…”

“mas mahal kita…”

“mahal na mahal kita…”

ang pag-ibig para saken e parang sinigang. sinigang na bangus, para eksakto, sige lagyan  ng miso, sinigang na bangus sa miso. matinik, may asim, may lapot (?). masarap  pagsaluhan, lalo na pag maginaw at maulan. ahehehe…

aquarium

sabi ng kuya ko nung nakaraang gabi…

nagdadalawang isip na ko diligan ung mga kalamasi, hindi naman namumunga.

kanina naman eto hirit nya…

parang ayoko nang pakainin tong mga to (isda sa aquarium) namatay na ung pula ung ulo e, un lang nman lumalapit pag nakita nyang papunta na ko. tong mga to parang natatakot pa nga.

adik ng kuya ko no? pati kalamansi dinadamay sa pagmumuryot nya. pero mas nagulat ako sa sinabi nya sa about sa isdang nasa aquarium. hmmm… wala na syang nakukuhang satisfaction, dapat pa ba syang magtyaga sa pagpapakain nung mga un? kawawang mga isda.

after nyang sabihin un, eto naman ang naisip ko.

ang puso ng tao katulad ng aquarium, nagiging makulay dahil sa mga palamuti na nandun, kasama na ang mga bato, shell, corals at kung anu ano pa, pero nagkakaron ng buhay dahil sa mga isda at halaman (hindi ung plastic, adik). wag mong hayaang may dumi ung aquarium, lalo na kung sayo galing.  lilipas ang oras o araw, hindi mo na makikita ang duming un, tumining na sa ilalim. pero di ibig sabihin na nawala na. minsan magandang palipasin muna ang ilang sandali para muling luminaw ang tubig, mas madaling linisin. pero wag mong iisipin na kapag kapag humupa na e wala na. nandun lang un sa ilalim. pwedeng muling lumutang pag naalog at mas malala pa,  hindi mo namalayan ung isda na pala ang unti unting nalalason. wag mong hintaying ung isda ang lumutang. pag nagkataon, tanging mga palamuting bato na lang ang laman ng puso nya, wala na ung pagmamahal nya sayo.