minsan malambot, minsan makunat…

Posts tagged “beeftapa

KM3: Tinig… o Ingay?

Ako daw ang “aktibista” ng klase namin noong nasa kolehiyo pa ko. Ewan ko sa kanila, ang alam ko lang pinaglalaban ko pag alam kong nasa tama ako. Hindi naman ako nakiki-epal sa iba o umaastang superhero ng mga naaapi, hindi din tipong spokesperson. Kung tutuusin nga, ako yata yung pinakatahimik sa klase. Nasa loob daw ang kulo.

Sa Intramuros ako nag-aral, katabi ng tanggapan ng gobyerno na laging sinusugod ng mga manggagawa. Sila yung mga nakakumpol at sumisigaw sa gitna ng kalsada. Mga naka-megaphone at may dala-dalang mga plakard habang namumudmod ng mga flyers na maya maya lang ay nagkalat na sa buong lugar. (Sayang ang papel at dagdag trabaho sa mga nagwawalis ng lansangan.)

Sa totoo lang, nung mga panahong yun madali nila kong makukumbinsi na sumama sa pakikipaglaban  ng karapatan nila. Siguro dahil bata pa at hindi pa talaga mulat sa totoong buhay, idealistic pa. Bawat sigaw nila talagang pumapasok sa tenga ko at parang alingawngaw na paikot ikot sa utak ko. Ramdam ko yung hinagpis nila, malinaw ang ipinaglalaban. Nakakaawa dahil  pagkatapos ng ilang oras ng pagbibilad sa araw at mamaos sa paghiyaw upang maiparating sa kinauukulan ang hinaing nila, wala pala ang Kalihim nag-lunch out sa Manila Hotel o sadyang sound-proof lang talaga ang mga opisina ng gobyerno? Ang mga manggagawa uuwing  pagod at gutom.  Natapos ang isang araw ng pakikipaglaban sa buhay, pero hindi natapos ang laban.

Ngayon naman na nagtatrabaho na ako, madalas pa din akong maging saksi sa mga ganitong tagpo.  Pero hindi basta mga manggagawa na lang. Hindi ko alam kung ano o sino ba sila. Ang palatandaan ko lang sila yung mga grupo na laging sumisigaw ng “Ibagsak ang Imperyalismo”, “Tigilan ang Kapitalismo”, “Tuta ng Kano! Patalsikin” — na hindi ko naman talaga nainintindihan, labas pasok lang sa tenga. Sila yung mga sinasabing mahihirap na may pambili ng mga materyales para sa susunugin nilang imahe. Sila yung mga artistic na nagdedesenyo sa mga malilinis at masyadong “plain “na mga pader. Sila yung mga hindi nagbabayad ng buwis dahil kahit pambili ng pagkain ay wala. Sila yung mga nagmamartsa sa gitna ng lansangan kasabay ng mga pampublikong sasakyan na lulan ang mga mangggagawang mahuhuli na sa oras ng paghahanap-buhay.

Hindi ko na alam kung tama pa ba ang pinaglalaban nila o alam pa ba nila ang pinaglalaban nila? Nagkamali ba ako ng paghusga o ang paninindigan nila ang nagbago? Iba nga ba ang nakikita ng mata sa kalam ng sikmura? O talagang iba na ang sukatan ngayon ng paninindigan. Tinig pa ba o ingay na lang?
Advertisements

Parang si Tapa yun ah… Nagbabalik?

Kumusta na dito blogsphere? Mundong minsang inikutan din ng buhay ko. Halos isang taon mula nung huli kong buksan ang blog ko. Nakakaligaw na… Medyo nag-iba na ang layout ng dashboard. Haha! Hindi man ako naging aktibo sa pagsusulat, paminsan-minsay nagagawa ko pa ding dumalaw sa blog ng ilan. Buti’t may facebook din ako bilang Beeftapa at kahit papano’y nakakabalita pa sa mga bloggers na naging kaibigan ko na. Ilan na din sa kanila ang nakasama ko sa mga EB at out of town adventures.

Nakakamiss din magsulat. Nakakatakot nga lang din bumalik baka wala na kong abutan… Pero syempre, kung gugustuhin kong makabalik at muling sumabay sa paglalakbay ng mga bloggers, dapat umpisahan ko na. Konting tulak para muling gumulong ang blog ko.

Madami nang nagbago sa normal na takbo ng buhay ko,  kasama na ang pagiging “almost always idle employee”. Kaya nawalan din talaga ko ng oras. Ang dating naghahanap magagawa para mabilis lumipas ang oras ay naging abala sa paghahanap ng oras upang mapagkasya ang mga kaylangang tapusin. Oo, naging busy ako sa trabaho. Hindi nga din ako makapaniwala. Ahahaha! Pero hindi ko naman hinayaan na mawalan ako ng oras para sa personal kong kaligayahan, ang magbyahe. Tulad ng nabanggit ko kanina, isang grupo ng bloggers na personal ko nang naging kaibigan ang nakasama ko sa lakwatsa sa Ilocos at Bohol, bukod pa syempre sa mga byaheng barkada at pamilya ko naman ang kasama. Dalawang byahe din ang hindi natuloy sa mga plano ko nung nakaraang taon.  Unang beses ko sana makikita yung taga Davao. At yung isa naman na taga-CDO, na medyo ilang beses ko na naka-bonding. Sana matuloy ngayong taon.

Isa pang kumain ng oras ko ay ang pagkahilig sa mga gadgets. Napadalas ako sa pagbabasa sa mga forums at balita sa mga bagong labas na telepono. Nakailang bili at palit din ng gadget. Masakit sa bulsa pero napasaya naman ako… pansamantala. Nagsulputan din ang mga online/group buying na nakaka-tempt naman talaga ang price ng mga tour packages. Medyo napabili din ako nitong mga to.

Yan ang kwento sa labas. Pero sa loob ko, madaming nangyari. Ayoko lang talaga ma-categorize  bilang emo. Alam kong sa takbo ng mga huling naisulat ko puro kadramahan na,  ayokong dagdagan pa. Kaya mas pinili kong hindi magsulat.

Pero tapos na ko sa chapter na yun. Kaya eto, susubukan ko ulit makisalamuha sa inyo at sana makakilala ng mga  bagong kaibigan 🙂


KM2: Sya at ang Buwan

Napapadalas ko syang makitang nakadungaw lang sa bintana. Tulala, nakatitig lang. Pabagsak sa bintana ang pagkakasandal,  kita sa postura ang pagkahapo. Mula sa maliliit na mga galaw nya ay kita ang bigat ng dinadala, dinig ang impit na halingling ng pagdurusa.

Buntong-hininga. Sunud-sunod ang paghugot ng malalalim at pagpapakawala nito, halatang pilit inilalabas ang mga dikyang umuubos sa natitira nyang pagkatao. Kuyom ang mga palad dala ng panibugho, ngunit hindi sapat upang maging lakas para makatayo.

Payapa na ang paligid, nakabibinging  alingawngaw ng katahimikan na ang namamayani, ngunit walang nagbabago, nangangalumata na sya ngunit sa akin pa din nakatuon ang malamlam nyang mga titig. Halos matunaw ako sa nakikitang lugaming bumabalot sa kanyang kabuuan, nais kong bumaba’t iparamdam ang aking pagdamay.

Ayokong kainin sya ng kadiliman.

Ang maliliit na pagkilos ay sinabayan pa ng mayat mayang pagdiin ng mga nakatiklop na mga palad. Pinipigilang kumawala ang nararamdaman. Isa pang mahabang buntong-hininga at binasag nya ang katahimikan. Nagsimula sa ungol hanggang sa maging bulong. Kalmado ang tinig ngunit walang buhay.

Naroon sya sa kanyang sulok, pilit ginagawang peklat ang sariwang sugat.

——————————————
Nag-iisa ako ngayon sa gitna ng sitwasyong sya ang maygawa. Naiwan akong mag-isang harapin ang mga multong sya ang lumikha. Mas pinili nyang  tumakbo sa karuwagan nang matuklasan ko ang yungib nyang puno ng nakagigimbal na nilalang. Mga manananggal na syang pumapapak sa akin ngayon. Ako at ako lang sa digmaang sya ang sa aki’y nagdala.

Nababalot ako ng poot. Hinayaan nya kong lamunin ng galit. Wala syang ginawa upang mabawasan ang sakit. Ngunit sa kabila nito, heto pa rin ako’t naghihintay, umaasa sa kalinga nya na sa aki’y magpapapanatag.
——————————————

Tulad nya’y isang paslit na nadapa’t nasugatan. Mahina. Naghihintay ng taong makikinig at hahaplos sa kanyang buhok upang mawala ang takot. Isang hele na magpapahimbing sa galit sa kanyang puso…

Sanay maging sapat ang munti kong kinang hanggang sa marating nya ang dulo ng madilim na kinaroroonan. Sa dulo ay isang banal na bukal na papawi sa pagkahapo, magpapahupa sa naghuhumulagpos na galit at muling magbibigay ng panibagong buhay sa pusong nagkulay kuyukot sa paghihingalo…

Gaya ng mga nakaraang gabi, bago pa tuluyang maglaho ang liwanag ko, muli nyang sinambit: “salamat buwan sa muling pagdamay…” kasabay nun ang pagbukas ng kaninay nakakuyom na mga palad at maluwalhating pag-agos ng kaninay kristal sa kanyang mga mata.

Aking adhika, sa muling pagsilay ng maharlikang liwanag ay masaksihan ko naman ang dating mala-pulot pukyutan at  maaliwalas na mga mata.

*** Nais iparating ng may-akda ang pasasalamat sa Diwatang Aninipot para sa larawang “dear moon”.


Unang Akyat (Mt. Makulot)

Last Saturday, sa wakas ay natuloy din pangarap kong totoong pamumundok. Hindi ko nga lang inasahan na ganun pala kahirap dahil ang sabi nung kasama naming hiker ay pang-beginners.
Inakyat namin kasama ng ilang kaibigan, bagong kaibigan at isang hiker ang Mt. Makulot sa bayan ng Cuenca, Batangas. Nagsimula ang akyat-proper mga alas otso ng gabi at wala pang sampung minuto ay nakakarinig na ko sa mga kasama namin na nagtatanong kung malayo pa. Napapangite na lang ako. Makaraan ang ilan pang minuto ay isa na ko sa nagtatanong kung malayo pa ba. Pakiramdam ko kase ay halos isang oras na kaming naglalakad paakyat ng bundok yun pala kinse minutos pa lang daw! Huminto saglit ang guide. Ang akala ko ay para hintayin yung mga nahuhuli sa paglalakad. Hindi pala, san dali lang daw at may tumatawid na ahas! Akalain mong di pa kami lubusang nakakapasok sa talagang masukal na gubat ay may check point na agad. Ambagal nyang tumawid pramis. Nagmamadali kaming maglakad nung makalagpas sa trail yung ahas. Mula nung sandaling yun ay mas naging alerto ako. Ginamit ko na ang sarili kong flashlight para liwanagan lahat ng hahakbangan ko na nung umpisa’y inaasa ko lang sa flashlight ng kasama ko.

Ilang falls at bundok na din ang napuntahan ko at isa ko sa mga nauunang maglakad. Pero ngayon pa lang yung totoong mountain climbing. May trail naman kaya hindi ka mahihirapang sundan ang guide kahit pa napakabilis nya. Bago pa kami umabot sa first stop over ay ramdam ko na ang pagod. Backpack na puno ng damit at pagkain at may nakasabit pang  isang litro ng tubig, Flashlight at apat na litrong tubig sa kanan, at tent nman sa kaliwa.  Ang laking pagkakamali ko na isang 4L na tubig ang binili ko para sa amin ni gf.  Mas maiging tig-iisang litro or 1.5 litrto na lang sana para naisiksik sa mga bag namin. Ang hirap umakyat ng paa lang ang ginagamit at pang-balanse lang ang kamay imbes na pang hatak sana sa katawan. Halos mabasag na yung dala kong galon ng tubig kakahampas tuwing aakyat sa matarik na trail. Ganun din yung tent, halos mapunit na yung case. Umabot naman sa lagpas kalahati bago ako tuluyang sumuko sa mga bitbit ko. Nakiusap ako sa isa kong kasama na sa kanya muna yung tent.Kahit ilang stop over kami at ilang minuto din ang mga pahinga, halos sumuko din ang mga binti ko. Hindi ko na halos maihakbang, parang naninigas na at hindi ko makontrol paangat. Yun ang unang pagkakataon na narasan ko yun. Akala ko hindi ko na kakayanin pang umakyat ng mas mataas at matarik pa. Habang tumataas kami ng tumataas ay patarik ng patarik ang daan at wala na ang mga batong pwedeng pakunan ng bwelo, puro lupa na lang kaya mas matinding kapit at pwersa sa binti at paa.

Nang malapit na kami sa tuktok at huling stop over na para magpahinga, tanaw na tanaw na ang bayan at mga syudad sa Batangas, parang christmas lights! Kaya mas nagkaron ng lakas para sa huling leg ng akyat. Pinauna na ko ng guide sa pag akyat sa natitirang ilang metro pero mas matarik pa. Dalawang beses akong nadulas at dumausdus  pababa. Walang makapitan dahil puro talahib na lang ang nandun at mamasa masang lupa. Natakot kaming lahat dahil nasa mataas na bahagi na kami, kaya nagpasya silang umikot sa kabila para i-check kung mas ok ang daan sa kabila. Mas malayo at mas matalahhib perro mas ok ang daan dun. Habang ako naman ay pinilit na lang umakyat dahil mas mahirap bumababa sa kinalalagyan ko nun.

Nakarating kami sa tuktok mga pass 10Pm na, naliligo sa sariling pawis, madungis at puro putik.  Nag-set up agad ng tent para makapagbihis at makapagpahinga sandali bago magluto ng hapunan. Pagkatapos kumain ay konting inuman at bonding pa kasama ng barkada at mga bagong kaibigan hanggang ala-una ng madaling araw at kinabukasan na kami nakapaglibot.

Nakakapagod at nakakatakot na pag-akyat pero eto ang mga tanawin mula sa tuktok ng Mt. Makulot at katabi nitong bundok na kung tawagin ay Rockies.

Sunrise in Mt. Makulot (Medyo makulimlim...)

Mt. Makulot Summit

To Rockies from Camp Site

Rock Climbing in Rockies

 

On Top of Rockies

Aerial shot? Parang Turtle yung Island 😀

Kunwari di ako natatakot...


ganito kami noon

Sa probinsya ako ipinanganak at nagkaisip bago kami lumuwas ng Maynila n0ong 12 taon ako. Tuwing buwan ng Mayo, basta bago sumappit ang tag-ulan, nakaugalian namin nila mama kasama ng mga kapatid ko ang pagtatanim ng mga gulay sa likod bahay. Kami nila kuya ang gumagawa ng balag para gapangan ng mga gulay, si mama, ate at bunso ang nagpupunla. May taga-bomba sa poso at tagabuhat ng balde para ipandilig sa mga bagong punla. Madami kaming tanim lagi sa likod bahay, patani, bataw, sitaw (hindi po ung mahahabang sitaw to), sigarilyas, kardis  (ilocano yan, di ko lam sa tagalog e) singkamas (namumunga po ang singkamas), talong na bilog, okra, gabi, sili, syempre di mawawala ang kamote. Kung may bakanteng lote sa probinsya panigurado may nakatanim na kamote.

Green-thumb daw si Mama, madaling makapagpatubo at palago ng halaman. Kung puno ng gulay ang likod bahay, puno nman ng mga halamang ornamental ang harap. Bihira sya magtanim ng namumulaklak. Kadalasan mga malalagong dahon-dahon lang. Bago pumasok sa eskwela, toka toka kaming magkakapatid ng gawain. Trabaho namin ni bunso ang pagdidilig ng mga halaman sa umaga. Si kuya ang taga-igib ng tubig para sa kusina, medyo malayo samen ang poso. Si ate naman ang nagwawalis ng bakuran. Habang si Mama naman naghahanda ng almusal.

Madami din kaming alagang hayop. Aso, baka, manok, baboy. Tipikal na probinsya. Ung baka, hindi kami ang nag-aalaga, pinapapastol un sa iba. Wala kaseng mag-aasikaso. Hati-hati din ang trabaho sa pag-aalga ng mga baboy at manok. Ung manok mga gala lang un walang kulungan, pero kilala namin bawat isa. Ung pinakaninuno ng mga manok namin may pangalan din, Banggangok, un ang tawag ni Mama. Maalaga si Mama sa mga hayop. Natutulog sya sa bakanteng kulungan ng baboy tuwing may bagong panaganak. Nakahiwalay kase ang mga piglets sa inahin. Isa-isa nyang nililipat sa kulungan ng inahin ang mga piglets para sumuso, isa-isa din nya itong ililipat sa kabilang kulungan pagkatapos. Ganun sya katutok sa mga alaga nya. Madalas din maririnig mo syang kinakausap ang mgat ito, pati din pala halaman binubulungan din.Yung aso nman, kung sino ang nakatokang magligpit ng kinainan sya din ang magpapakain. Siguro halos sampo ang aso namin nun. Di ko alam kay Mama kung bat andami. May isa pa nga kaming aso ipinangalan nya sa kanya. Loyal ung aso na yun, mahigpit na bantay. Pareho ni Mama. Strikto.

Meron kaming maliit na parang kubo sa tapat ng bahay sa bandang kusina. Mula sa malalaking sanga ng camachile ang ginawa naming poste at  kawayan naman ang papag. Lumang yero  ang bubong.  Dahil si kuya ang pinakamatanda sa aming magpipinsan, sya ang nagpaalam sa Lolo para sa mga kawayan na puputulin. Tulong-tulong kaming magpipinsan sa pagbuo nun. Natulog kami dun kinagabihan ni kuya kahit walang dingding. Binalot lng namin un ng mga sakong pinagtagpi-tagpi na madalas ginagamit na pansapin kapag nagbibilad ng palay. HIndi pinayagan yung iba nming pinsan na duon din matulog dahil malamig. Kinabukasan nagising na lang ako na nasa kwarto na sa loob ng bahay.  Hindi ko namalayan, lumabas pala si Mama nung madaling araw para silipin kami ni kuya.  Mula pagkabata pala may pagkamantika na ko matulog. Di man lang ako nagising nung binuhat ako ni Mama, namamaluktot na daw kase ko sa ginaw.

Masarap magluto si Mama. Paborito naming magkakapatid ang “inalseman”, ilocano version nya ng sinigang. Parang sinigang kase maasim, nilalagyan ng sampalok pero hindi masabaw, mas madaming gulay kesa sa karne at higit sa lahat, bagoong-isda ang panimpla. Lagi kaming sabay-sabay kung kumain. Bawal piliin  ang gulay kase kung kung hindi, sya mismo ang magsasandok at ilalagay sa plato mo. Number one rule pa naman sa bahay ang bawal tumayo sa hapagkainan hanggat hindi nauubos ang laman ng pinggan. Isa pang ulam na hinahanap-hanap ko ung diningdeng. Sitaw, saluyot, bulaklak ng kalabasa at kung anu-anong pang mga gulay na pinagsama sama. Pinakuluan sa tubig at tinimplahan ng bagoong-isda,  may sahog na inihaw na bangus, at may sawsawang bagoong at kalamansi na may sili. Bihira na ko makakain nito ngayon.

Bago pa matapos  ng Eat Bulaga, pinapatay na ni Mama ang TV.  Oras na para matulog ang mga bata. Kaming dalawa un ni bunso. HIndi ko na mabilang kung ilang beses akong nagtulug-tulugan noon para lang di mapagalitan. Inggit na inggit habang nakikinig sa mga pinsan kong naglalaro sa labas. Di ko na din maalala kung anong iniisip ko para mas mapabilis ang pagtakbo ng oras. Hirap na hirap akong matulog sa tanghali noon, kaya ang ginagawa ni Mama, susuklay-suklayin nya ko, bubunutin ang mga patay na buhok. Ilang minuto lang tulog na ko.

Ganito kami noon.


wansapanataym… naalala mo pa?

Napanood ko sa patalastas sa channel 2 nung nakaraang araw na ibabalik nila ulit ang wansapanataym. bigla akong nabuhay. napangite tapos… wansapanataym… sa aking buhay. Napawi ang lumbay, napuno ng kulaaaayyyyy… hehehe… totoo yan. pramis. Ewan ko pero ang laki ng ngite ko nung napanood ko ung commercial. Di ko maiwasan magbaliktanaw. Ewan ko kung ilang taon ako nun, basta alam ko inaabangan namin yan ng mga kapatid at tatay ko tuwing linggo alas otso ng gabi, gusto kong isipin na un siguro ang family time namin. Ahahahay!

Tapos nagkatinginan kami ni bunso, hirit nya sana  ibalik din nila yung Okatokat! hahaha! Si Rona! (played by Agot Isidro, sila la ng ni Paolo Contis ang naalala ko. hehehe… si Rica pa pala.) Yung horror na palabas tuwing martes ng gabi pagkatapos ng mga teleserye nila. nagkatawanan na lang kami. pati araw at timeslot, naalala namin. duwag ako sa mga katatakutan na palabas, pero ung okatokat? hahaha! talagang inaabangan namin.

Dito na namin inalala pa ung ibang palabas dati na sabay sabay namin pinapanood. ang teleserye nun 2 lang pagkatapos ng balita. ngaun, puro teleserye na. Inisa isa namin alalahanin ni bunso ang mga palabas after ng mga drama series.

Lunes- Palibhasa Lalake! Sinong bestfriend mo duon. nyahahaha! naalala ko pa si Tikboy. Martes ung Okatokat. Tapos Wednesday ung Okidok? e kelan ung Home Along da Riles? Kase pag huwebes Maalala mo kaya e. Tapos ung Byernes ung laging pinapalitan, naging Super Laf-in naging Tagalog movies, alam ko byernes din dati ung tagalized na  go go Power Rangers!.  Hahaha! Ang sarap balikan.

So ngayon, anong araw ang Home along d riles? Nyahahaha! Di ko maalala. Kahit si bunso di din maalala. Ang di ko makakalimutan, masaya naming pinapanood ng sama sama mga yan. Nakakamiss.


back to school… pengeng bente :)

Ahahahay… matagl tagal din bago ko makapag post ng talagang post. ahehehe… try ko ngaun. kwentuhan tayo…
kakabalik ko lang from 6 days field work, sa bandang southern tagalog. nakakapagod at nakakainip. Fiesta sa syudad na un kaya paghahanap pa lang ng hotel e pahirapan na. Buti at may nahanap ako the night before ako magbyahe. OK naman, may pool, kaya kahit mag isa lang ako may pagkakaabalahan ako pag nasa hotel. Ayun, nainip pa din ako. ahahaha… kaya eto umuwi na ko kahit pwede pa kong mag-stay dun ng another night, para may additional allowance. Obviously mas pinili kong umuwi kesa magrelax lang sa hotel at kumita. ahehehe…
Nakakapagod ang byahe, buti na lang di ako inabot ng rush hour pagdating ng manila. Pagdating ko ng bahay, may nakita akong tatlong sobre. Dalawa ay sa utang at isa ay ang matagal ko nang hinihintay na sulat galing sa World Vision. Nakikita mo ba yang link/pic ng bata sa sidebar ko? Nilagay ko yan nung araw na nag-apply ako para maging sponsor ng isang bata. Once lang kase ko nakareceive ng email  from the organization and after i replied to that email, wala na ko nareceive ulit. At ngayon, dumating na at meron na ngang batang na-assign saken. Nawala ung pagod ko galing sa byahe, dali dali kong binuksan at binuklat buklat ung booklet. Nakakagaan ng loob. Kahit papano makakatulong ako.

Tinanong ako ng isang kaibigan kanina (over the phone) bkit daw ako kumuha nun (child sponsorship). Sabi ko na lang para naman magkaron ako ng silbi sa buhay. Hahaha! Naging aware ako sa sponsorship program na to ng World Vison nang  mabasa ko ung post ni AddictedToGreenBellPepper (Universal Child) kung saan nagreply si CoolWaterWorks, at napadpad ako sa blog nya. Nung araw na yun, nasabi ko sa sarili ko, pagdating ng sahod, sasali din ako. Gusto ko din makatulong. Hindi ako mayaman. Galing ako sa pamilya na sakto sakto lang. Graduate ako ng public school mula kinder hanggang matapos ng college. Public elementary school sa Pangasinan, public high school at public university  dito sa Manila.  Naka-hanap ng maayos na trabaho at kahit papano ay nakakaipon. Sobra sa kaylangan ko, kase ang reference ko kung papano ang buhay namin dati.  Sanay ako sa simpleng buhay. Sanay ako sa sakto. Tipong ang baon ay sapat lang na pamasahe at pangkain. Pag nawalan ng piso e problema na ang pauwi. Ahehe… Mas madami ang mas malala ang pinagdadaanan para lang makapag aral at para mabago ang sitwasyon nila sa buhay ngayon.  Gusto ko makatulong sa mga batang nangangarap baguhin ang kinabukasan nila. At dahil hindi naman ako mayaman para gumawa ng kung anu anong mga charity works at wala din naman akong oras para maging regular volunteer, thru World Vision sana makatulong ako. Isa itong oppurtunity para kahit papano e makabawi sa lahat ng blessings. 🙂  Bakit ko to sinasabi ngayon? Sa mga naliligaw dito sa bahay ko, para magkaron ng idea sa program ng World Vision na child sponsorship at sana ma-inspire din kayo.

Bente  pesos lang per day, may isang bata ka nang matutulungan sa education nya.  May isang bata kang matutulungan na mabago ang buhay 🙂 Actually ung child sponsorship nila ay  hindi lang naka-concentrate sa pagpapa-aral ng bata. Kasabay nun may program sila to help the entire community/village, mga livelihood  programs para sa buong pamilya. Lets support WORLD VISON at iba pang organizations katulad nito.

Share ko din tong video na to… (kung iniisip mong lagi na lang may video or kanta sa mga post ko, ako rin napansin ko. ahehehe…)

Let’s help send these kids back to school. Pengeng Bente… and lets make a difference.