minsan malambot, minsan makunat…

Posts tagged “pagmumuni-muni

KM2: Sya at ang Buwan

Napapadalas ko syang makitang nakadungaw lang sa bintana. Tulala, nakatitig lang. Pabagsak sa bintana ang pagkakasandal,  kita sa postura ang pagkahapo. Mula sa maliliit na mga galaw nya ay kita ang bigat ng dinadala, dinig ang impit na halingling ng pagdurusa.

Buntong-hininga. Sunud-sunod ang paghugot ng malalalim at pagpapakawala nito, halatang pilit inilalabas ang mga dikyang umuubos sa natitira nyang pagkatao. Kuyom ang mga palad dala ng panibugho, ngunit hindi sapat upang maging lakas para makatayo.

Payapa na ang paligid, nakabibinging  alingawngaw ng katahimikan na ang namamayani, ngunit walang nagbabago, nangangalumata na sya ngunit sa akin pa din nakatuon ang malamlam nyang mga titig. Halos matunaw ako sa nakikitang lugaming bumabalot sa kanyang kabuuan, nais kong bumaba’t iparamdam ang aking pagdamay.

Ayokong kainin sya ng kadiliman.

Ang maliliit na pagkilos ay sinabayan pa ng mayat mayang pagdiin ng mga nakatiklop na mga palad. Pinipigilang kumawala ang nararamdaman. Isa pang mahabang buntong-hininga at binasag nya ang katahimikan. Nagsimula sa ungol hanggang sa maging bulong. Kalmado ang tinig ngunit walang buhay.

Naroon sya sa kanyang sulok, pilit ginagawang peklat ang sariwang sugat.

——————————————
Nag-iisa ako ngayon sa gitna ng sitwasyong sya ang maygawa. Naiwan akong mag-isang harapin ang mga multong sya ang lumikha. Mas pinili nyang  tumakbo sa karuwagan nang matuklasan ko ang yungib nyang puno ng nakagigimbal na nilalang. Mga manananggal na syang pumapapak sa akin ngayon. Ako at ako lang sa digmaang sya ang sa aki’y nagdala.

Nababalot ako ng poot. Hinayaan nya kong lamunin ng galit. Wala syang ginawa upang mabawasan ang sakit. Ngunit sa kabila nito, heto pa rin ako’t naghihintay, umaasa sa kalinga nya na sa aki’y magpapapanatag.
——————————————

Tulad nya’y isang paslit na nadapa’t nasugatan. Mahina. Naghihintay ng taong makikinig at hahaplos sa kanyang buhok upang mawala ang takot. Isang hele na magpapahimbing sa galit sa kanyang puso…

Sanay maging sapat ang munti kong kinang hanggang sa marating nya ang dulo ng madilim na kinaroroonan. Sa dulo ay isang banal na bukal na papawi sa pagkahapo, magpapahupa sa naghuhumulagpos na galit at muling magbibigay ng panibagong buhay sa pusong nagkulay kuyukot sa paghihingalo…

Gaya ng mga nakaraang gabi, bago pa tuluyang maglaho ang liwanag ko, muli nyang sinambit: “salamat buwan sa muling pagdamay…” kasabay nun ang pagbukas ng kaninay nakakuyom na mga palad at maluwalhating pag-agos ng kaninay kristal sa kanyang mga mata.

Aking adhika, sa muling pagsilay ng maharlikang liwanag ay masaksihan ko naman ang dating mala-pulot pukyutan at  maaliwalas na mga mata.

*** Nais iparating ng may-akda ang pasasalamat sa Diwatang Aninipot para sa larawang “dear moon”.

Advertisements