minsan malambot, minsan makunat…

Archive for Hunyo, 2012

KM3: Tinig… o Ingay?

Ako daw ang “aktibista” ng klase namin noong nasa kolehiyo pa ko. Ewan ko sa kanila, ang alam ko lang pinaglalaban ko pag alam kong nasa tama ako. Hindi naman ako nakiki-epal sa iba o umaastang superhero ng mga naaapi, hindi din tipong spokesperson. Kung tutuusin nga, ako yata yung pinakatahimik sa klase. Nasa loob daw ang kulo.

Sa Intramuros ako nag-aral, katabi ng tanggapan ng gobyerno na laging sinusugod ng mga manggagawa. Sila yung mga nakakumpol at sumisigaw sa gitna ng kalsada. Mga naka-megaphone at may dala-dalang mga plakard habang namumudmod ng mga flyers na maya maya lang ay nagkalat na sa buong lugar. (Sayang ang papel at dagdag trabaho sa mga nagwawalis ng lansangan.)

Sa totoo lang, nung mga panahong yun madali nila kong makukumbinsi na sumama sa pakikipaglaban  ng karapatan nila. Siguro dahil bata pa at hindi pa talaga mulat sa totoong buhay, idealistic pa. Bawat sigaw nila talagang pumapasok sa tenga ko at parang alingawngaw na paikot ikot sa utak ko. Ramdam ko yung hinagpis nila, malinaw ang ipinaglalaban. Nakakaawa dahil  pagkatapos ng ilang oras ng pagbibilad sa araw at mamaos sa paghiyaw upang maiparating sa kinauukulan ang hinaing nila, wala pala ang Kalihim nag-lunch out sa Manila Hotel o sadyang sound-proof lang talaga ang mga opisina ng gobyerno? Ang mga manggagawa uuwing  pagod at gutom.  Natapos ang isang araw ng pakikipaglaban sa buhay, pero hindi natapos ang laban.

Ngayon naman na nagtatrabaho na ako, madalas pa din akong maging saksi sa mga ganitong tagpo.  Pero hindi basta mga manggagawa na lang. Hindi ko alam kung ano o sino ba sila. Ang palatandaan ko lang sila yung mga grupo na laging sumisigaw ng “Ibagsak ang Imperyalismo”, “Tigilan ang Kapitalismo”, “Tuta ng Kano! Patalsikin” — na hindi ko naman talaga nainintindihan, labas pasok lang sa tenga. Sila yung mga sinasabing mahihirap na may pambili ng mga materyales para sa susunugin nilang imahe. Sila yung mga artistic na nagdedesenyo sa mga malilinis at masyadong “plain “na mga pader. Sila yung mga hindi nagbabayad ng buwis dahil kahit pambili ng pagkain ay wala. Sila yung mga nagmamartsa sa gitna ng lansangan kasabay ng mga pampublikong sasakyan na lulan ang mga mangggagawang mahuhuli na sa oras ng paghahanap-buhay.

Hindi ko na alam kung tama pa ba ang pinaglalaban nila o alam pa ba nila ang pinaglalaban nila? Nagkamali ba ako ng paghusga o ang paninindigan nila ang nagbago? Iba nga ba ang nakikita ng mata sa kalam ng sikmura? O talagang iba na ang sukatan ngayon ng paninindigan. Tinig pa ba o ingay na lang?